‘LEARNING LOSS’ MAGPAPATULOY KUNG WALANG F2F CLASSES —SENADOR
NAGBABALA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Sherwin Gatchalian na magpapatuloy ang ‘learning loss’ sa mga estudyante kung hindi pa rin magsasagawa ng face-to-face classes ngayong School Year 2021-2022.
Iginiit ni Gatchalian na dapat nang simulan ang face-to-face classes, partikular sa mga lugar na walang naiulat na Covid19 cases.
“Ang aking panawagan na magbukas na tayo this coming school year sa ilang lugar na face-to-face. Ang aking kinakatakutan, isang taon pa na wala tayong pasok, ang bata talaga ay uurong at uurong iyan,” pahayag ni Gatchalian.
Ipinaliwanag ng senador na batay sa pag-aaral, ang years of learning ng isang estudyante ay nasa pitong taon lamang.
“Nasabi na ito ng mga dalubhasa, ng maraming eksperto, na noon pa mang pumalo ang Covid, ‘yung tinatawag nating years of learning, ibig sabihin ‘yung natututunan ng bata ay around 7 years. Kung natapos ka ng Grade 12, ang natutunan mo lang ay hanggang Grade 7 lang. Pero dahil sa pandemya, bumaba na ito hanggang Grade 5,” paliwanag ng senador.
“So, ibig sabihin ang mga bata kahit magtapos ka ng Grade 12 ‘yung mga nalalaman mo ay hanggang Grade 5 lang. Ito ang tinatawag nilang learning loss kaya dapat sa lalong madaling panahon bumalik na tayo sa face-to-face, hindi na natin kaya ng isa pang taon na walang face-to-face,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.
Nilinaw ni Gatchalian na ang isinusulong niyang face-to-face classes ay para lamang sa mga malalayong lugar.
“Itong mga zero Covid puwede na silang magbukas ng klase at doon na tayo mag-umpisa ng face-to-face classes dahil walang Covid eh, ‘yung mga LGUs na nasa isla, mga nasa bundok na hindi naman pinupuntahan ng tao dapat ho talaga puwede nang mag-face-to-face classes doon,” sabi pa ng mambabatas.
“Doon sa mga urban centers, katulad dito sa Metro Manila tingin ko hindi pa puwede dahil tuloy-tuloy pa ang pagdami ng virus pero doon sa mga lugar na wala namang Covid kahit isa, tingin ko papasukin na ang mga bata. Dahil ang mga bata sa probinsya naglalaro naman sa labas, hindi naman ho sila nasa loob ng bahay nila,” dagdag pa ng senador.