Nation

LEARNING GAPS LUMAKI DAHIL SA DISTANCE LEARNING —SOLON

/ 26 June 2022

AMINADO si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na lumawak ang learning gaps dahil sa mahigit dalawang taong distance learning.

Sinabi ni Castro na nakalulungkot ang resulta ng mga international test at assessment sa mga estudyanteng Pinoy na nagsasabing mahina sa pagbabasa at pag-unawa.

“Nakakadismaya ang mga results ng international test. Maraming non-readers nakakaabot ng high school. Marami hindi nakakaintindi ng binabasa,” pahayag ni Castro.

Iginiit ng kongresista na dapat bumalangkas ang Department of Education ng mga hakbangin upang mapunan ang learning gaps.

Inihalimbawa ng mambabatas ang pagtulad sa ginagawa ng ilang pribadong paaralan na nagpapatupad ng flexible learning mode.

Bukod sa pagtiyak na may gadgets at maayos na internet connection ang mga estudyante, iginiit ni Castro na maaaring gayahin ang ginawa sa lungsod ng Quezon kung saan ang module ay iprinograma sa tablet ng mga mag-aaral.

Sa pagbabalik, aniya, ng face-to-face classes, dapat matiyak na mapupunan ang mga nawalang panahon sa pag-aaral ng mga estudyante.