LEARNERS WITH SPECIAL NEEDS PRAYORIDAD NG DEPED
INIHAYAG ng Department of Education na adhikain at prayoridad nila na patuloy na mabigyan ng edukasyon ang mga batang may espesyal na pangangailangan.
Ayon sa Kagawaran, bukas ang pintuan ng mga DepEd SPED Centers para sa mga batang nais mag-aral dito, may pandemya man o wala.
Tulad na lamang ni Nanay Ronalyn Asuncion kung saan in-enroll niya ang kanyang panganay na anak na si Khana sa SPED Center-Bambang, Nueva Vizcaya ngayong taon. Kahit may pandemya, tila nagbukas ng bagong simula para sa kanilang pamilya ang unang taon sa eskwelahan ni Khana na isa sa mga deaf and mute enrollees.
“Lahat na nga po kaming mga kamag-anak niya ay natututo na rin magsenyas,” kuwento niya.
Dati umano ay mahirap ang komunikasyon sa pagitan nila at hindi rin niya maturuan ang anak dahil wala naman siyang formal training sa sign language.
“Kakayanin namin at ayaw po namin na binu-bully siya ng ibang tao.”
Dagdag pa niya, hindi niya kalilimutan ang taong 2020 dahil ito ang simula ng espesyal na kabanata para sa anak.
“Bilang isang magulang ng mute and deaf learner, ang mensahe ko sa mga gurong tulad po ni Sir Rick, sana mas dumami pa kayo para magturo sa mga batang tulad ng anak ko. Nagpapasalamat ako dahil mabait sila, maunawain at mahaba ang pasensiya nila. Sana hindi sila magsawa magturo sa mga batang may kapansanan,” pagtatapos niya.