LEARNER-CENTERED APPROACH SA ACADEMIC YEAR 2020-2021
OBLIGADO ang mga estudyante na matuto kahit walang face-to- face classes dahil ‘learner-centered approach’ ang mangyayari sa academic year 2020-2021, ayon sa Commission on Higher Education.
Sinabi ni CHED Executive Director Atty. Cinderalla Filipina Benirez-Jaro na sa kasalukuyang moda ng pagtuturo ay ipinauubaya ng kagawaran sa mga estudyante ang kanilang pag-aaral.
“Kasi po sa flexible learning, sinasabi natin na learner-centered approach, ibig sabihin malaking independce ang ibinibigay natin sa ating mga estudyante para sa ganun ay matuto sila on their own,” wika ni Jaro sa isang panayam.
Nilinaw naman niya na ang flexible learning ay hindi lamang nakatuon sa online classes bagkus ay mayroong modules na gagamitin ang mga estudyante para magpatuloy ang kanilang pag-aaral.
“Ang flexible learning po hindi lang naka-focus sa online learning, mayroon din po tayong tinatawag na offline learning at blended learning ng sa ganun po ang mga estudyante nating may problema sa koneksiyon ay mabibigyan pa rin po natin ng tamang edukasyon o sapat na edukasyon,” dagdag niya.
Bagama’t may academic freedom ang higher education institutions, nanawagan ang CHED na unahin ang mga lecture habang nasa ilalim ng krisis ang bansa at ipagpaliban muna ang mga aktuwal na aktibidad.
Hiniling din ng kagawaran na suspendihin muna ang on-the-job trainings at internships ng mga estudyante hanggang January 2021.