Nation

LAWMAKER SA GOBYERNO: BLENDED LEARNING PAG-ARALAN

/ 20 July 2022

KINATIGAN ni Senadora Nancy Binay ang nais ng mga pribadong paaralan na magpatupad ng hybrid o blended mode of learning sa halip na full face-to-face classes ngayong School Year 2022-2023.

Sinabi ni Binay na dapat pag-aralan ng gobyerno ang konsepto ng blended o hybrid mode of learning para sa kaligtasan ng lahat ng mga estudyante at maging ng mga guro at magulang.

Sa suhestiyon ng senadora, maaaring gawing tatlong araw ang face-to-face classes at may opsyon din na payagan ang online learning.

“Dapat pag-aralan na rin ang konsepto ng blended learning o hybrid mode of learning. Naintindihan ko ang concerns ng private schools, may mga magulang pa na nag-aalangan, baka puwedeng gawing 3 days face-to-face, may option din na online,” pahayag ni Binay.

Sa ganitong paraan, iginiit ni Binay na mas matututo rin ang lahat sa paggamit ng bagong teknolohiya kasabay ng pagtiyak ng dekalidad na edukasyon.

Kasabay nito, sinabi ni Binay na sa pagrebisa sa K to 12 system, dapat matiyak na maisasama na sa curriculum ang paggamit ng teknolohiya upang makasabay rin ang mga estudyante sa sistemang ipinaiiral sa iba’t ibang bansa.

Ipinaalala ng senadora na sa mga international examination ay modern technology na rin ang ginagamit kaya dapat maka-adapt na rin ang Pilipinas.

Sa academics naman, sinabi ni Binay na mas makabubuting pagtuunan muli ang mga basic subjects tulad ng English, Mathematics at Science.