LAWMAKER: KALIGTASAN NG MGA ESTUDYANTE IPRAYORIDAD SA F2F GRADUATION
NANINDIGAN si Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education chairman Joel Villanueva na dapat pa ring iprayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante kung isasakatuparan ang face-to-face graduation ngayong taon sa gitna ng pagbaba ng kaso ng Covid19 sa bansa.

Sinabi ni Villanueva na katulad ng iba pang okasyon, dapat manatiling sumusunod sa ipinatutupad na protocols ang mga aktibidad sa mga paaralan.
“Gaya ng iba pang public gathering, dapat idaos ito ayon sa safety protocols para sa kaligtasan ng mga dadalo. Alalahanin lang po natin na hindi pa rin po tayo graduate sa pandemya,” pahayag ni Villanueva.
Kasabay nito, iginiit ng senador na dapat maging batayan sa pagbababa ng Covid alert status sa isang lugar ang kahandaan mismo ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay upang hindi tumaas ang kaso sa kani-kanilang mga lugar.
Sinabi ng senador na dapat ay nakabatay sa kalagayan at datos ng isang lugar kung magkakaroon ng pagbabago sa alert level.
Aminado ang mambabatas na ang mga lokal na opisyal ang nakaaalam kung maaari nang ibaba ang alert level sa kanilang nasasakupan.
Ipinaalala naman ng mambabatas na bukod sa mga LGU at Department of Health, kasama na rin ang Commission on Elections sa nagpapatupad ng health protocols ngayong campaign period.