Nation

LAWMAKER: ISANG GADGET BAWAT ESTUDYANTE MALABO

MALABONG maisakatuparan ang mga panukalang bigyan ng gadget ang bawat estudyante sa Pilipinas para maisulong ang dekalidad na edukasyon sa gitna ng Covid19 pandemic.

/ 9 February 2022

MALABONG maisakatuparan ang mga panukalang bigyan ng gadget ang bawat estudyante sa Pilipinas para maisulong ang dekalidad na edukasyon sa gitna ng Covid19 pandemic.

Ipinaliwanag ni Senador Panfilo Lacson na batay sa datos, nasa 30 milyon ang estudyante sa Pilipinas kaya  malinaw na malaking pondo ang kakailanganin  para mabigyan ang bawat isa ng gadget.

Sinabi ng senador na sa kanyang kandidatura bilang pangulo ng bansa, hindi siya mangangako ng mga bagay na malabo namang mangyari.

Isa pa sa inihalimbawa ni Lacson ay ang pangakong bibigyan ng bahay ang bawat pamilyang Pilipino.

“Kinuwenta ko, ang kailangang pondo na manggagaling sa General Appropriations Act, mahigit P5 bilyon isang taon for six years dahil mahigit P3 trillion ang pondo para rito, hindi kami mangangako ng ganoon,” pahayag ni Lacson.

“Isa pang halimbawa, ang pangako na lahat ng estudyante bibigyan ng isang gadget. 30 milyon ang estudyante, magkano ang gadget? Hindi kami mangangako na hindi namin  pinag-aaralan. Andoon kami palagi sa how, ‘yung pagde-deliver,” anang senador.

Binigyang-diin ni Lason na sa pagsusulong ng bawat panukala, kailangang maging makatotohanan at alam kung paano isasakatuparan.

“Sinasabi ko lamang na ito dapat ang panuntunan, hindi puwedeng kunin sa kuwento at bolahan,” dagdag pa ng senador.