Nation

LAWMAKER DUDA SA KAHANDAAN NG DEPED SA PILOT TESTING NG F2F CLASSES

/ 15 September 2021

MULING tiniyak ng pamunuan ng Department of Education na handa na sila para sa pagsasagawa ng pilot face-to-face classes sa 120 public at private schools na kailangan na lamang ng ‘go signal’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, duda sa pahayag na ito si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago dahil sa kawalan ng pondo para sa ligtas na pagbabalik-eskwela.

Sa hearing ng House Committee on Appropriations sa 2022 proposed budget ng DepEd, binusisi ni Elago ang kahandaan ng ahensiya para sa pagsasagawa ng face-to-face claases.

“The DepEd says that 658 schools are mapped out to be under areas under minimal risk for Covid19, yet they only included 120 schools in their proposal to allow limited face-to-face classes, a far cry from the real number of face-to-face ready schools. Sinabi rin ni Sec. Briones na matagal nang pinaghahandaan ang pagbubukas, so bakit ‘di natin ipaglaban sa Malacanang?” pahayag ni Elago.

“Kung ang Pangulong Duterte mismo at ang palpak niyang tugon sa pandemya ang bumabara sa efforts natin kailangan tumindig ang DepEd para sa kabataang Pilipino at singilin na ang pondo at tiyakin ang plano para sa ligtas, unti-unti at boluntaryong pagbabalik-eskwela,” dagdag pa ni Elago.

Ipinaliwanag ni Education Secretary Leonor Briones na mahigit isang taon na silang naglalatag ng mga sistema para sa pagsasagawa ng face-to-face classes.

Sa kanilang pinakahuling batayan, bukod sa approval ni Pangulong Duterte at ng InterAgency Task Force, kinakailangan ding may pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes.

Idinagdag pa ni Briones na dapat ay mayroon ding written consent mula sa mga magulang dahil marami pa rin ang takot na palabasin ang kanilang mga anak.

Kasama rin sa batayan ng paaralang papayagang magsagawa ng face-to-face classes ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa pagpapatupad ng health protocols, kabilang na ang malinis na tubig, mga gamot at ang agarang pagresponde ng Department of Health kung kinakailangan.