Nation

LATE ENROLLEES TATANGGAPIN PA HANGGANG NOBYEMBRE — DEPED

/ 11 September 2020

KAHIT halos dalawang buwang naurong ang pasukan sa mga pampublikong paaralan dahil sa pandemya ay tiniyak ng Department of Education na tatanggapin pa rin nila ang late enrollees hanggang Nobyembre.

Sa isang virtual press conference nitong Miyerkoles, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na puwedeng-puwedeng humabol sa pasukan ang mga batang hindi pa rin nakapag-enroll para sa opisyal na pagbubukas  ng klase sa Oktubre 5.

“Mayroon tayong policy sa late enrollment…as long as maka-attend ang bata ng 80% of the equivalent class days,” sabi ni Briones.

Paliwanag niya, ipinatutupad ang ganitong instruksiyon sa buong Filipinas kahit noong wala pang Covid19.

Sa huling datos ng DepEd ay nasa higit 24 milyon na ang mga nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, pati sa Alternative Learning System.

Mas mababa ito sa nakaraang taong enrollees, pero okay na rin dahil 80% lang naman  ang target ng DepEd sa akademikong taong 2020-2021.

Ang kawalang kakayahang makilahok sa modular blended learning – ang bagong modalidad pampagtuturo – ang tinuturong sanhi ng mababang bilang ng mga papasok na estudyante.