LATE ENROLLEES HANGGANG NOBYEMBRE 21 LANG — DEPED
PINAALALAHANAN ng Department of Education ang mga magulang na i-enroll ang kanilang mga anak bago mag-Nobyembre 21.
Sinabi ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo na tatanggap pa sila ng late enrollees hanggang Nobyembre 21 o kahit pa lagpas doon basta nakapag-comply sila sa mga requirement.
“Pero ‘wag sanang hintayin ang 21 November kasi mahihirapan ‘yung bata na makahabol. Hindi niya maka-catch up ‘yung lesson, mahuhuli sila,” panawagan ng opisyal sa mga magulang.
Ayon pa kay Mateo, naging matagumpay ang pagbubukas ng klase noong Lunes.
“It was quite a success, victory talaga. May mga kaunting problema pero hindi naman talaga maiiwasan ‘yan even in normal times,” sabi ni Mateo.
Ayon sa tala ng kagawaran, nasa 96 concerns lamang ang natanggap ng public assistance command center ng ahensiya sa pagbubukas ng klase. Sa bilang na ito, 51 ang querries o 53 percent, 34 ang requests o 35 percent at 11 naman ang mga complaint o 11 percent.
Ito ay pangunahin sa iba pang mga usapin na may 35 concerns o 36 percent, enrollment concern na may 19 concerns o 20 percent, school policies at operations na may 16 concerns o 17 percent, learning continuity plan na may 8 concerns o 8 percent, at personnel na may 7 concerns o 7 percent.
Panghuli, ang platform ng komunikasyon na may pinakamataas na bilang ay natanggap sa pamamagitan ng email na may 51 concerns o 53 percent, sinundan ng telepono na may 27 na tawag o 28 percent, 13 texts (short messaging service) o 14 percent, at Facebook na may 5 concerns o 5 percent.
“Very minimal lang ang naitala natin. Ang mga querries mostly with regard to enrollment, ito ‘yung mga late enrollees. Expected naman ‘yan kasi even in the past ganoon din ‘yung mga issues eh,” sabi ni Mateo.
“Kung papaano ba hindi pa pumapasok ‘yung anak nila, ililipat ‘yung anak nila from public to private school. Pero kaunting-kaunti lang ‘yung tungkol sa module kung kailan nila ibabalik ‘yung mga answer sheets,” dagdag pa ng education official.