Nation

LAST MILE SCHOOLS PROGRAM BUDGET BINUSISI

/ 17 October 2020

BINUSISI ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ang P1.5 bilyong pondong inilaan ng Department of Education para sa last mile schools program sa gitna ng pagpapasara sa ilang Lumad schools.

Sa plenary delliberations para sa 2021 proposed budget, ipinaliwanag ng sponsor ng panukalang pondo ng DepEd na si Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy-Limkaichong na kasama sa polisiya ng ahensiya ang proteksiyon sa right to education ng indigenous people.

Sinabi ni Limkaichong na ang unang hiningi ng DepEd na alokasyon para sa programa ay P 6.5 bilyon subalit ibinaba ito sa P1.5 bilyon.

Sa pagtaya, aabot sa 88 na paaralan ang masasakop ng pondo mula sa target na 361 last mile schools.

Ang Last mile schools ay ang mga paaralan sa mga liblib na lugar na may apat na silid-aralan, kadalasang walang koryente at walang pondo para sa repair o konstruksiyon sa nakalipas na apat na taon.

Ang mga ito ay may  multi-grade classes na may populasyon na 100 learners na ang mayorya ay indigenous peoples.

Muli namang iginiit ni Cullamat na hindi dapat ipinasara ng DepEd ang 55 paaralan na pinatatakbo ng indigenous peoples group Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc. noong 2019.

“Ang layunin ng last mile schools program ay ang mag-repair at mag-renovate ng mga paaralan sa mga liblib na lugar. Kung ang DepEd ay magtatayo ng pampublikong paaralan [para sa] mga indigenous peoples’ areas, bakit kailangang ipasara pa ang mga pribadong paaralan na gumagana na at nakapagserbisyo na sa mga kabataan,” diin ni Cullamat.