LABOR EDUCATION SA TERTIARY LEVEL LUSOT NA SA 2ND READING SA SENADO
MATAPOS ang ilang araw na debate, inaprubahan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukala para sa pagtuturo ng Labor Education sa Tertiary Education.
Ang Senate Bill 1513 o ang proposed Labor Education Act ay iniakda at inisponsoran ni Senador Joel Villanueva na nagmamandato sa mga unibersidad at kolehiyo na isama ang labor education sa mandatory social sciences subjects sa ilalim ng general education curriculum.
Nakasaad sa panukala na isasama rin ng Technical Education and Skills Development Authority ang labor education sa kanilang training regulations.
“Nais po natin na mas ilapit sa mga mag-aaral sa kolehiyo at tech-voc ang kaalaman sa ating labor laws bilang ang kabataan natin ay magiging bahagi ng ating workforce bilang manggagawa, future employers and entrepreneurs,” pahayag ni Villanueva matapos ang approval ng panukala.
Layon ng panukala na mabigyang kaalaman ang mga estudyante sa Tertiary Education Level sa mga labor-related topic bilang paghahanda sa pagpasok nila sa trabaho.
Kabilang sa mga ipinasasama sa tertiary education ang labor rights and workers’ welfare, role and contribution of labor to the national economy, basic income taxation, minimum labor standards on wage, overtime pay, night shift differential, holiday pay, leaves, etc., national and global labor situation and challenges at labor organization and political participation.
Pinasalamatan naman ni Villanueva sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senadora Pia Cayetano sa pagtulong sa pagbalangkas ng panukala at ang kanyang co-authors na sina Senador Lito Lapid at Senador Bong Revilla.