Nation

LABOR EDUCATION IPINASASAMA SA TERTIARY CURRICULUM

/ 11 August 2020

LUSOT na sa Senate Committees on Higher, Technical and Vocational Education, Labor, Employment at Human Resources Development ang panukala na isama sa curriculum ng tertiary education ang Labor Education.

Alinsunod sa Senate Bill 1513 na inaprubahan ng komite, babalangkas ang Technical Skills and Development Authority, katuwang ang Department of Labor and Employment, ng karampatang modules of instructions at iba pang materyales para sa Labor Education.

Nakasaad sa panukala na kasama sa babalangkasing curriculum ang Labor rights and workers’ welfare; Role and contribution of labor to the national economy; Basic income taxation;

Minimum labor standards on wage, overtime pay, night shift differential, holiday pay, leaves, etc.; National and global labor situation and challenges; Labor organization and political participation; at iba pang paksa na may kinalaman sa paggawa.

Ipinaalala sa panukala na dapat matiyak ang proteksiyon sa karapatan ng mga manggagawa para sa pagtatayo ng organisasyon, collective bargaining, security of tenure at patas at makataong kondisyon sa trabaho.

Iginiit ng mga sponsor ng panukala na sina Senador Lito Lapid, Bong Revilla at Joel Villanueva na mahalagang maituro sa mga estudyante ang mga usapin sa paggawa.

Maaaring ituro ang subject sa anumang year level at maaari itong gawin sa English o Filipino habang dapat ding magkaroon ng Labor Empowerment and Career Guidance conference para sa graduating students.

Isasalang naman sa plenaryo ang panukala para sa 2nd, 3rd and final reading.