Nation

KUWESTIYONABLENG BAYARIN SA PRIVATE SCHOOLS PINABUBUSISI

/ 20 August 2020

NAIS ni 1Pacman Partylist Rep. Enrico Pineda na magsagawa ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa mga kuwestiyonableng bayarin sa mga pribadong paaralan mula sa primary, secondary at tertiary education levels sa kabila ng pagpapatupad ng distance learning dahil sa Covid19 pandemic.

Sa kanyang House Resolution 1108, ipinaalala ni Pineda na mandato ng estado na protektahan ang karapatan ng mamamayan sa dekalidad na edukasyon sa lahat ng lebel at tiyaking accessible ito para sa lahat.

Nakasaad sa resolusyon na dahil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address na walang face-to/face classes hanggang walang bakuna laban sa Covid19, bumalangkas na ng onine learning scheme ang mga pribadong educational institutions.

Gayunman, sa kabila ng paglipat sa online method at modular learning, marami pa rin aniyang paaralan, kolehiyo at unibersidad ang nagpapataw ng iba’t ibang bayarin.

Kabilang dito ang laboratory fees, medical and dental fees, energy fees at iba pang miscellanous fees kahit hindi naman ito mapakikinabangan  ng mga estudyante sa kasalukuyang sistema.

Dahil dito, maraming mga magulang at estudyante ang nadismaya at nagreklamo dahil dagdag pasanin pa ang bayarin sa internet connection bukod pa sa kinakailangang bumili ng gadgets.

“It is therefore imperative for the House of Representatives to look into these grievances, especialy with the implementation of community quarantine in Metro Manila, entire Luzon and some areas in Visayas which has severely affected the financial capabilities of thousands of families,” pahayag pa ng kongresista sa kanyang resolution.