Nation

KUNG MATUTULOY ANG TRANSPORT STRIKE, WORK-FROM-HOME DAPAT ANG MGA GURO – TDC

/ 6 March 2023

Nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) na agad ideklara ang paggamit ng work-from-home scheme para sa mga guro na nakatira o nagtuturo sa mga lokalidad na maaaring maapektuhan ng nakaambang malawakang tigil-pasada sa susunod na linggo. Ito’y bilang tugon ng grupo sa nauna nang pahayag ng DepEd na walang iaanunsiyong class suspension sa mga pampublikong paaralan kaugnay sa nasabing welga bagamat gaamitin ang mga alternative delivery modes.

“Kung sakaling gagamitin ang distance learning modality sa pag-aaral ng mga batang maaapektuhan ng strike, dapat ay ganito rin ang pagtrato sa mga guro. Dapat maging malinaw na ang mga guro ay manatili rin sa kani-kanilang mga tahanan at gamitin ang work-from-home scheme sa pagtuturo sapagkat umaasa rin ang mga guro sa pampublikong transportasyon,” pahayag ni Benjo Basas, guro sa Caloocan City at siya ring National Chairperson ng TDC.

Kabilang sa tinutukoy ng DepEd na alternative delivery modes ay ang modular at online classes na siya ring ginamit na paraan ng pagtuturo noong kasagsagan ng pandemya mula Marso 2020 hanggang Hulyo 2022. Ayon kay Basas ay ito umano ang nakahandang alternatibo sakaling hindi uubra ang face to face classes, gayunman, dapat din umanong maging malinaw na pati sa mga guro ay aplikable ang nasabing iskema.

“Kung ang mga bata ay distance learning, dapat ang mga guro ay distance teaching din. Lalo pa nga at kadalasan naman ay asynchronous ang paraan kung modular at hindi naman accessible sa maraming mga paaralan ang internet at computer kung online,” dagdag ni Basas.

Ipinahayag ng grupo ng paghingi ng paglilinaw sapagkat sa naunang pahayag ng DepEd ay walang banggit kung ang mga guro ba ay pisikal na papasok pa rin sa mga paaralan o hindi na. Nababahala umano sila na kung walang malinaw na anunsiyo mula sa DepEd Central Office ay magkakaroon na naman ng umano ng kalituhan at iba-ibang interpretasyon sa field offices at mga lokalidad.

“Naranasan na namin ito noong mga nakaraan na iba-iba ang ipinatupad sa mga paaralan bagamat ang default scheme naman daw ay work-from-home, kaya sana maagang makapag-anunsiyo ang DepEd para maiwasan ang kalituhan,” patuloy pa ni Basas.

Sa kasalukuyan ay marami nang mga lokal na pamahalaan at mga paaralan ang nagdekla ng suspensiyon ng face to face classes sa kani-kanilang mga lugar kabilang na ang Caloocan City. Ayon pa rin kay Basas ay maagap naman umano ang DepEd Caloocan sa paglalabas ng memorandum kung saan sinasabing maaaring mag-work from home ang mga guro sa nasabing lungsod.

“Ang hinihintay namin ngayon ay anunsiyo mula sa DepEd Central o regional offices para maging klaro ito,” pagtatapos ni Basas.

Sa inisyal na pakikipag-ugnayan ng TDC sa ilang DepEd officials ay sinabi umano ng ahenisya na nagpapatuloy pa ang imbentaryo sa mga lokalidad na maaaring maapektuhan ng welga at agad ring maglalabas ng anunsiyo hinggil sa work-from-home scheme ang DepEd. Umaasa naman ang TDC na lalabas ngayong araw ang anunsiyo.