Nation

KULONG SA LALABAG SA CAMPUS PRESS FREEDOM, ETHICAL STUDENT JOURNALISM STANDARD — SOLON

/ 2 October 2020

UPANG makasunod sa mga pangangailangan ng kasalukuyang panahon, isinusulong ng isang kongresista ang pag-amyenda sa Campus Journalism Act na 30 taon nang ipinatutupad sa bansa.

Sa paghahain ng House Bill 7780 o ang proposed Student Journalists’ Rights Act of 2020, iginiit ni Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Lemuel Fortun na panahon nang baguhin ang batas upang sakupin na rin ang iba’t iba pang platforms ng ‘free and independent expressions’, kabilang na ang internet at online media.

“The 30-year-old Campus Journalism Act, which has noble intent, demands substantial reforms, if not repeal.  Aside from its want in adequate safeguards against restraint on student journalism, new trends, tools and technologies in the fast changing digital age have made such repeal urgent and imperative,” pahayag ni Fortun sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag ni Fortun na sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991, libo–libo pa ring paglabag sa campus press freedom ang naitatala ng College Editors Guild of the Philippines.

Kabilang sa mga paglabag ang pakikialam sa editorial policies, censorship ng editorial content, panghaharang sa publication funds, hindi pangongolekta ng non-mandatory publication fees at harassment sa mga student writer at editor.

Binibigyang-diin sa panukala ang freedom of the press at speech ng mga estudyante sa pampubliko at pribadong educational institutions.

Batay sa panukala,  obligado ang bawat educational institution na magkaroon ng student publication at bibigyan ng maayos na workspace sa paaralan ang operasyon nito.

Ang pondo ng student publications sa pribadong paaralan ay magmumula sa authorized student publication fees, subscription fees at iba pang maaaring pagkunan ng budget habang sa mga pampublikong paaralan, magmumula ito sa maintenance and operating expenses.

Bagama’t tinitiyak ang press freedom, nakasaad din sa panukala na mandato ng student editorial staff na bumalangkas ng self-regulation guidebook na magsisilbing manual sa pagpapatupad ng ethical at responsible student journalism standards.

Ang sinumang lalabag sa mga polisiya sa ilalim ng panukala ay mahaharap sa 90 araw hanggang 180 araw na pagkabilanggo o pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang P100,000 depende sa ipag-uutos ng korte.

Karagdagang parusa na suspensiyon sa trabaho sa loob ng tatlong buwan hanggang isang taon ang igagawad kung ang lumabag ay school official, faculty member, empleyado o school personnel.