Nation

KULONG, MULTA SA MAGHO-HOLD NG SCHOOL RECORDS NG ESTUDYANTE NA HINDI MAKABAYAD NG TUITION

/ 28 January 2021

ISINUSULONG ni Senador Joel Villanueva ang panukala na magbabawal sa mga education institution na i-hold ang official records ng mga estudyante na hindi nakapagbayad ng tuition o iba pang school fees.

Sa Senate Bill 2021 o ang proposed Anti-Withholding of Student Records Act, sinabi ni Villanueva na marami sa mga estudyante ang napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan.

Idinagdag pa ng senador na ang iba naman ay lumilipat sa paaralan na mas mababa ang gastusin subalit dahil nabibimbin ang official records, marami ang hindi nakakapag-transfer.

“This bill seeks to reiterate the State policy to provide education to our children and youth, by ensuring that their school records will not be withheld by reason of non-payment of school fees,” pahayag ni Villanueva sa kanyang explanatory note.

Alinsunod sa panukala, kailangan lamang magsumite ng promissory note ang mga estudyante na hindi maka pagbayad ng obligasyon sa paaralan upang makuha ang kanilang official records.

Ilalagay sa promissory note ang petsa kung kailan makakabayad ang estudyante ng kanyang obligasyon.

“This bill also seeks a balance between upholding the right of the youth to education, and the right of school owners to reasonable returns on their investments,” dagdag pa ng senador.

Nakasaad din sa panukala ang pagpapataw ng P10,000 hanggang P50,000 multa o isang buwan hanggang anim na buwang pagkakulong sa sinumang tatangging i-release ang official records ng estudyante.

Ang education institution naman na lalabag ay papatawan ng suspensyon o kanselasyon ng permit mula sa Department of Education o sa Technical Education and Skills Development Authority o sa Commission on Higher Education bukod pa sa administrative fine na P50,000 hanggang P100,000.