KULONG, MULTA SA MAG-AAYOS NG CHILD MARRIAGE
SA GITNA ng pagtaas ng bilang ng ‘child brides’ sa Filipinas, isinusulong sa Senado ang pagdedeklara sa child marriage bilang public crime at papatawan karampatang ng parusa ang mga magsasagawa nito.
Ang Senate Bill 1373 ay inihain ni Senador Risa Hontiveros sa layuning protektahan ang kabataan sa pamamagitan ng pagbabawal sa child marriage at pagbalangkas ng mga programa laban dito.
Batay sa panukala, ang child marriage ay maituturing na child abuse dahil lumalabag ito sa Special Protection of Children.
Saklaw ng panukala ang civil o church weddings o anumang kinikilala sa ibang tradisyon, kultura at custom.
Sa tala, ang Filipinas ay ika-12 sa may pinakamaraming child brides sa mundo na umaabot sa 726,000.
Kung maisasabatas ang panukala, ang sinumang masasangkot sa child marriage ay papatawan ng parusang pagkabilanggo na anim na buwan hanggang anim na taon o prision mayor at multang hindi bababa sa P40,000.
Kung ang mag-aayos ng kasal ay kaanak ng bata, ang parusa ay aabot sa 12 taong pagkabilanggo at multa na hindi bababa sa P50,000 bukod pa sa tatanggalan ng parental authority.
Ang mga public officer naman na mangunguna sa child marriage ay papatawan ng perpertual disqualification sa public office bukod pa sa pagkakulong at multa.
Ayon kay Hontiveros, maganda ang timing ng pagpasa sa 2nd reading ng panukala, ilang araw matapos ang pagdiriwang ng International Day of the Girl Child.
“It’s a very happy bill. It coincides with our move to curb child pregnancies and to bring up the age of consent to 16. This is good for our children,” pahayag naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri.