Nation

KLASE SA ‘ODETTE’-HIT AREAS SUSPENDIDO PA RIN

/ 24 December 2021

SUSPENDIDO pa rin ang klase sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette, ayon kay Department of Education Undersecretary Diosdado San Antonio.

Binigyang-diin ni San Antonio na mahalaga pa rin ang kaligtasan ng mga estudyante kung kaya mananatiling suspendido ang klase hanggang  hindi pa tuluyang maayos ang sitwasyon sa mga apketadong lugar.

Tiniyak naman niya na agad ding maibabalik ang basic education services sa mga bata.

“Ang una naman, ang mahalaga naman eh ligtas ang mga mag-aaral at mga kasamang guro. I understand na may mga na-damage na facilities ang kagawaran ng edukasyon at kahit ‘yung previous typhoons last year hindi naman lahat na-restore pero kasama sa mga usual practice na nakakabalik kami kaagad sa pagde-deliver ng basic education services kahit may mga calamities,” pahayag ni San Antonio sa panayam ng The POST.

Naunang sinabi ng DepEd na aabot sa 12 milyong estudyante ang naapketuhan ni ‘Odette’.

Nadoble rin, aniya, ang hamon na kinakaharap ng kagawaran dahil bukod sa pandemya ay nanalanta pa ang bagyo  sa bansa.

“Parang pamilya ang DepEd na nagtutulungan, nagmamalasakit sa bawat isa kapag may kailangan,” ayon kay San Antonio.

Samantala, bibigyan ng sapat na oras ng kagawaran ang mga estudyante upang makapagpasa ng kanilang modules.

“Ganoon naman tayo ‘pag may mga ganyan, kasama ‘yan sa mga practice natin na may mga adjustment, of course ‘yung academic ease binigyang-diin natin. ‘Wag masyadong mahigpit,” ani San Antonio.

“Depende rin. Hindi kasi tayo nagbibigay ng general order for everyone, ang isang practice ni Secretary Liling talagang empowered ‘yung mga DepEd officials na gumawa ng desisyon sang-ayon sa kanilang konteksto, so depende ‘yan sa assessment ng mga paaralan at division offices at sila na ang gumagawa ng kumbaga angkop na desisyon para rito, kasama iyan sa sabi ko nga polisiya ng kagawaran na hindi kailangang tanungin ang central o hindi dahil mas alam naman nila ang kalagayan nila,” dagdag pa niya.

Kasalukuyan ding aniyang ginagawang evacuation centers ang mga eskuwelahan.