Nation

KLASE SA MUNTINLUPA, CALACA SINUSPINDE DAHIL SA LINDOL

/ 14 October 2023

SINUSPINDE ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong eskwelahan sa Muntinlupa City nitong Biyernes matapos ang magnitude 5.0 na lindol na yumanig sa Calaca, Batangas at naramdaman sa Metro Manila.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Mayor Ruffy Biazon na sinuspinde ang klase sa lungsod upang bigyang-daan ang inspeksiyon sa mga gusali ng mga pampublikong eskwelahan.

“Ipinag-utos ko ang inspeksiyon para i-check ang integridad ng mga gusali ng public schools sa lungsod,” ayon sa alkalde.

Sa mga pribadong paaralan, sinabi ni Biazon na ipinauubaya niya sa pamunuan ng eskwelahan ang desisyon sa pagsususpinde ng klase.

Naramdaman ang lindol sa Intensity IV sa Muntinlupa City.

Sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas sa Calaca City, Batangas dahil sa lindol.

Natunton ang epicenter ng tectonic-in-origin na lindol sa layong 14 kilometro Timog Kanluran ng Calaca City, alas 8-24 ng umaga.

Ang class suspension ay agad ipinag-utos ni Mayor Nas Ona at saka inatasan ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng damage assessment.

Kabilang sa sisiyasatin ang gusali ng mga paaralan at iba pang tanggapan upang matiyak na ligtas ang mga ito.

Sinabi naman ni Rafael Cuevas ng Calaca City Disaster Risk Reduction Office na walang naiulat na nasawi o nasaktan sa halos 10 segundong pagyanig.