Nation

KILUSANG PANGKULTURA AT KASAYSAYAN ITINÁTAG

15 January 2022

ISANG bagong kilusan ng mga manunulat, alagad ng sining, iskolar, at manggagawang pangkultura ang nabigkis nitóng Sabado, 8 Enero 2022, upang isúlong ang pambansang kultura at ang kapakanan ng mga artist, guro, at historian. May pangalan itong Katipunan sa Kultura at Kasaysayan (o KKK2022) at may adhikang gunitain ang Himagsikang 1896 para sa pagkakaisa at pag-unlad ng Filipinas.

Mahigit 40 alagad ng sining at historyador ang dumalo sa pulong ng pagtatátag sa pangunguna nina National Artist Virgilio S. Almario, National Artist Ryan Cayabyab, Dr. Jose Dalisay Jr., Dr. Malou Camagay, Dr. Nicanor Tiongson, Dr. Leo Zafra, Dr. Roland Tolentino, Professor Joi Barrios, Professor Xiao Chua, Noel Ferrer,  Jerry Gracio, Nanding Josef, Jun Balde, Joti Tabula, Egay Samar, Egai Fernandez, Rock Drilon, at Marne Kilates.

Unang-unang pinansin ng KKK2022 ang mapanlinlang at rebisyonistang paggámit ngayon ng kasaysayan para paglingkuran ang naghaharing pamilyang pampolitika. Kaugnay nitó ang malawakang korupsiyon sa buong burukrasya ng

gobyerno at ang mababàng literasi lalo na sa kanayunan. “Nais naming itampok ang pambansang kultura upang maging sandigan ng programang pampolitika at pangkabuhayan ng bansa.” wika ni Almario. “Kung hindi natin tunay na nauunawaan kung sino at ano tayo bilang mga Filiipno ay hindi tayo makagagawa ng plano para makatulong sa naghihirap na nakararami sa ating mga kababayan.”

Panimulang proyekto ng KKK2022 ang isang serye ng talakayan hinggil sa wastong pagtuturò at pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas at nagtutuon sa mga kontrobersiya at anomalyang lumaganap dahil sa mga di-makatarungang motibong pampolitika. Kikilos din ang Katipunan para maitampok ang isang makabansang adyendang pangkultura sa development plan ng susunod na administrasyon. “Plano naming iharap ito sa mga kandidato nating pangulo para sa kanilang tugon at sana para sa kanilang tangkilik. Gusto naming makita kung paano nila inuunawa at pinahahalagahan ang ating kultura at kasaysayan, at sakâ kung gaano katindi ang kanilang hangaring isulong ang ating pangkulturang development,” dagdag ni Almario.

Inaanyayahan ang lahat ng mga alagad ng sining, iskolar, at manggagawang pangkultura na sumapì sa KKK2022. Sinumang interesado ay maaaring pumunta sa https://tinyurl.com/Katipon2022 para lumagda o kumontak sa kalihiman ng KKK2022 sa email na: [email protected] o sa Viber sa 09257102481.