Nation

KASANAYAN NG MGA GURO SA DISTANCE LEARNING PROGRAM TIYAKIN — SOLON

/ 20 August 2020

PINATITIYAK ni Senador Bong Go sa Department of Education ang kakayahan at kasanayan ng mga guro sa pampublikong paaralan sa paggamit  ng mga bagong teaching platform.

Sinabi ni Go na dapat gamitin ng ahensiya ang dagdag nilang panahon bago ang pagbubukas ng klase upang matiyak na handa ang mga guro sa flexible distance learning program.

“Importante ring masigurong handa ang mga teacher natin. Kailangang handa sila na gumamit ng mga makabagong paraan para masigurong hindi makompromiso ang matututunan ng estudyante,” pahayag ni Go.

“Gamitin natin ang dagdag na oras upang plantsahin at ayusing mabuti ang lahat ng mga plano sa pag-conduct ng flexible o blended learning. Siguraduhin nating magiging maayos ang implementasyon para hindi na madagdagan ang paghihirap ng mga tao,” dagdag ng senador.

Iginiit pa niya sa DepEd na dapat lahat ng estudyante ay mabibigyan ng pantay na oportunidad sa ilalim ng learning continuity plan.

“Mas magiging kawawa ang mga estudyante kung ituloy natin pero hindi pa handa ang lahat. Mas kawawa rin ang mga teacher. Hirap na po ang mga Filipino, huwag na nating dagdagan pa ng pressure ang mga bata at mga magulang nila,” paliwanag pa ng senador.

Nilinaw naman ng mambabatas na ang pagpapaliban ng pagbubukas ng klase ay hindi lamang para sa paghahanda ng gobyerno kundi upang bigyan din ang mga estudyante at ang kanilang pamilya ng panahon na maka-recover sa krisis.

“Sa totoo lang, marami pang mga estudyante ngayon na walang pambili ng mga gamit pang- eskwela at walang access sa computer, tablet o iba pang gadgets dahil nawalan ng trabaho o pagkakakitaan ang kanilang pamilya. Karamihan din ay wala pang pambayad ng matrikula o iba pang gastusin,” iginiit pa ni Go.