KARAPATANG BUMALIK SA PAARALAN ‘WAG IPAGKAIT SA MGA BATA — LAWMAKER
MAITUTURING na pagkakait ng karapatan sa mga bata na makabalik sa paaralan ang patuloy na pagtanggi ng ilang indibidwal na magpabakuna laban sa Covid19.
Ito ang binigyang-diin ni Senadora Pia Cayetano sa gitna ng pagtalakay ng Senado sa vaccination program ng gobyerno.
Sinabi ni Cayetano na kung darating ang panahon na may sapat nang bakuna sa bansa at marami pa rin ang tatanggi na magpabakuna ay mapipilitan siyang isulong ang panukala na limitahan ang maaaring puntahang lugar ng mga hindi bakunado.
“You are depriving our children to go to school and that is their right to go to school…It is a higher right,” pahayag ni Cayetano.
“If you don’t want to get vaccinated, then don’t get vaccinated but you can’t go around and prevent this children to go to school,” dagdag pa ng senadora.
Tiniyak ni Cayetano na ipaglalaban niya ang karapatan ng mga bata na makabalik sa normal nilang pamumuhay.
“I will fight for that. I will fight for children. For them to be able to enjoy their life,” sabi pa ni Cayetano.
Aminado naman si Cayetano na patuloy pa nilang pag-aaralan kung anong mga patakaran o regulasyon ang maaaring ipatupad upang mahiyakat ang mamamayan sa pagpapabakuna lalo na kapag may sapat nang bilang ng bakuna sa bansa.
Sinabi ni Cayetano na posibleng maging batayan sa anumang babalangkasing regulasyon ang ipinatupad ding mandatory immunization and vaccination para sa kabataan.