Nation

KAPANGYARIHAN NG PARENT-TEACHER AND COMMUNITY ASSOCIATION PALALAKASIN

/ 5 August 2020

NAIS ni Senadora Risa Hontiveros na palakasin ang kapangyarihan ng Parent-Teacher and Community Association sa mga paaralan para sa kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante upang matiyak ang kanilang tagumpay sa buhay.

Sa Senate Bill 1588 o ang proposed Parent-Teacher and Community Association Act, iginiit ni Hontiveros na mahalaga ang papel ng mga magulang, guro at komunidad sa edukasyon at tamang pag-uugali ng mga bata.

Nakasaad sa panukala na regular na makikipag-ugnayan ang PCTA ng mga paaralan sa mga Student Council para sa proseso ng mga proyekto, programa at mga aktibidad para sa mga estudyante.

“When a school has an involved Student Council and PCTA, parents are better informed and engaged, teachers are more empowered, and perhaps more importantly, students are happier,” pahayag ni Hontiveros.

Alinsunod sa panukala, ang bawat elementary at secondary institution ay magkakaroon ng PTCA na mangangasiwa sa pagresolba sa mga isyu sa paaralan na nangangailangan ng kooperasyon ng mga magulang.

Bukod sa school officials, makikipag-ugnayan din ang PTCA sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan para sa implementasyon ng mga programang may kinalaman sa kapakanan ng mga estudyante.

Nakasaad din sa panukala na ang mga principal officer ng PTCA ay itatalagang ex officio members ng local school boards.

Ang Department of Education naman ang may mandato na bumuo ng mga regulasyon na susundin ng PTCA.