KAMPANYA VS TEENAGE PREGNANCY PINAIGTING
PINALALAWAK pa ng gobyerno ang kanilang hakbangin upang maresolba o maiwasan ang teenage pregnancy.
Bukod sa pagsusulong ng sexual education at reproduction health service, nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng kautusan upang iprayoridad ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga programa laban sa teenage pregnancy.
Sa ilalim ng Executive Order No. 141, idineklarang ‘national priority’ ang pagsugpo sa ugat ng tumataas na kaso ng teenage pregnancy sa bansa.
“The number of adolescent pregnancies are expected to rise, as girls already living in dysfunctional homes spend more time with their households as a result of the pandemic and are therefore more exposed to abuse,” nakasaad sa EO.
“To this end, the State shall mobilize existing coordinative and legal mechanisms related to the prevention of adolescent pregnancies, and to strengthen the adolescents’ capacity to make autonomous and informed decisions about their reproductive and sexual health by ensuring access to comprehensive sexuality education and reproductive health and rights services,” ayon pa sa Executive Order.
Sa tala, nasa 183,967 ang live births mula sa mga kabataan na may edad 10 hanggang 19 noong 2018 at 180,916 noong 2019.
Alinsunod sa kautusan, lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay may mandatong magpatupad ng mga programa laban sa teenage pregnancy.
Kabilang na rito ang comprehensive sexuality education, education at employment opportunities sa kabataan, at health promotion sa pamamagitan ng media and communications.
Ang mga Sangguniang Kabataan naman ay hinihikayat na bumalangkas ng mga programa na susuporta sa mga adolescent mother.
Ang National Youth Commission ay inaasatan namang bumuo ng mga forum para sa diyalogo sa pagitan ng gobyerno at ng youth sector.
Inaatasan naman ang Population Commission na ipagpatuloy ang training sa mga lider, mga magulang at iba pang community members hinggil sa mga istratehiya laban sa teenage pregnancy.