Nation

KAMPANYA KONTRA YOSI SA KABATAAN PALAKASIN

/ 29 July 2020

KAILANGANG palakasin pa umano ng gobyerno ang kampanya nito kontra sa paninigarilyo ng mga kabataan, lalo na sa mga estudyante bilang bahagi rin ng pag-iingat upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Win Gatchalian makaraang ihayag ng World Health Organization na may malaking epekto ang paninigarilyo sa panganib na mahawa sa COVID19.

Sa kanyang webinar sa mga student leaders, iginiit ni Gatchalian ang tatlong mahahalagang hakbang para sa smoke-free Philippines na kinabibilangan ng paglaban sa mga nagla-lobby mula sa tobacco industry, paghikayat sa mga tobacco farmers na magtanim ng high-quality crops at ang kumbinsihin ang kabataan na iwasan ang paninigarilyo.

Ipinunto pa ni Gatchalian na dahil sa new normal, ang mga tahanan ang magsisilbing paaralan, dapat anyang gawing smoke free ang lahat ng learning environment.

“I’m in support of the advocacy to make our campuses, offices, restaurants, and enclosed public places smoke-free. I really believe that our country would be more progressive and economically developed if we channel our resources to more productive endeavors instead of treating smoking-related diseases, which can be prevented,” pahayag ng senador.

Matatandaang noong isang taon, isinulong ni Gatchalian ang panukala na itaas sa P70 sa bawat pakete ng sigarilyo ang buwis nito upang makalikom ang gobyerno ng pondo para sa Universal Health Care program.

Saklaw din ng isinusulong na mas mataas na buwis ni Gatchalian ang vapes, kasama na ang complete ban sa vaping sa kabataan.

Batay sa global and national tobacco surveys sa Southeast Asia kabilang na ang Global Youth Tobacco Survey, ang Pilipinas ang nangunguna sa Southeast Asia sa may pinakamataas na bilang ng kabataang babae na may edad 13-15 na naninigarilyo habang ikalawa sa pinakamataas sa mga lalaki.

Lumitaw din sa survey na 10.8 percent ng mga estudyante sa bansa ang nakakaramdam na ang paninigarilyo ay nakatutulong upang maging komportable sa mga pagdiriwang, party at iba pang social gatherings.