Nation

KALUSUGAN NG MGA BATANG PINOY ‘WAG PABAYAAN – SENADOR

/ 19 April 2023

NANAWAGAN si Senate Committee on Health Chairman Christopher ‘Bong’ Go sa mga ahensiya ng pamahalaan na tiyaking matutugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng mga bata.

Ginawa ni Go ang panawagan kasunod ng ulat ng Commission on Audit na mayroong P200 milyon ang Philippine Children’s Medical Center na dapat i-reimburse sa Philippine Health Insurance Corporation na ginamit sa Covid19 test subalit bigo ang ospital na asikasuhin.

Sa pahayag ng COA, magagamit pa dapat ng pagamutan ang pondo para sa pangangailangan ng mga batang pasyente.

“Sayang noh, as chairman po ng Senate Committee on Health, ‘wag po nating sayangin. Dapat po ay ma-reconcile natin ito. Kung ano po ang puwedeng ma-reimburse ng PCMC, sayang po ang pondo, magagamit n’yo po ito sa pagpapagamot ng mga bata, may mga sakit, lalong-lalo na po ‘yung mga may cancer. Ayusin n’yo po,” pahayag ni Go.

“Apela ko po sa Philippine Children’s Medical Center, sa mga opisyales just to make sure na meron silang proper and sufficient coordination with COA kung anuman po ang discrepancy sa kanilang dapat ireimburse,” dagdag ng senador.

Iginiit ng mambabatas na mahalagang matiyak na magagamit ang pondo para sa pangangailangan ng mga batang pasyente.

“Ayaw natin na masayang o malagay sa alanganin yung serbisyo medikal ng gobyerno lalo na para po ito sa mga indigent children dahil lang po sa hindi pag-reconcile sa paper works. Trabaho nyo po yan, gawan nyo po ng paraan na walang masayang, at sakto po yung pondo ng gobyerno,” diin ni Go.