Nation

KALIGTASAN SA BALIK-ESKWELA PINATITIYAK

/ 22 August 2020

HINILING sa pamunuan ng Department of Education na tiyakin ang kaligtasan ng mga kawani na pisikal na nagre-report sa kanilang trabaho para paghandaan ang nalalapit na pagbubukas ng klase.

Ayon kay Atty. Domingo Alidon, pangulo ng DepEd National Employees’ Union, maaaring maparalisa ang pagbubukas ng klase kung walang ‘Balik-Eskwela’.

“Kasi central office ito, magpapasukan na, importante na magkaroon ng Brigada at Balik-Eskwela. Dapat nandito ang mga tao at mayroon ‘yang skeletal force na tutugon sa nationwide problem, issues and concerns sorrounding sa balik-ekwela,” sabi ni Alidon sa panayam ng The POST.

“Mapa-paralize tayo diyan kung wala tayong balik-eskwela dito kasi every year ginagawa natin ‘yan lalong-lalo na ngayon bagong klase ito, may pandemya, meaning mas maraming problema tayo. So, more reasons na dapat mayroong balik-eskwela committee na tutugon niyan at magre-report sa central office,” dagdag pa niya.

Sinabi niya na dapat tiyakin ng ng ahensiya na ang mga personnel na tatao sa balik-eskwela ay ligtas at na-swab test nang libre ng Department of Health.

“If there is no confidence, sabi nga wala tayo ay walang kumpiyansa na tayo ay walang sakit ay lagi tayo kinakabahan,” sabi pa niya.

Katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kasama na rin ang pribadong sektor, inilunsad ng DepEd ang naturang programa tuwing magpapasukan ang klase para tugunan ang mga isyung may kinalaman sa pagbubukas ng klase.

Naglalagay rin ng public assistance command center sa central office para sagutin ang iba’t ibang katanungan at reklamo hinggil sa pagbubukas ng klase.