KAHIT ONLINE, KLASE SUSPENDIHIN KAPAG MAY BAGYO — METEOROLOGIST
INIREKOMENDA ng isang meteorologist na suspendihin ang klase sa mga lugar na labis na maaapektuhan ng bagyo.
Sa isang panayam, sinabi ni Nathaniel Mang Tani’ Cruz na kailangang ipagpaliban muna ang mga klase tuwing may signal ng bagyo upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante sa kalamidad o sakuna tulad ng baha.
“‘Pag po may signal, may bagyo, ay talaga naman pong dapat palagay ko isuspende rin kahit online kasi ang inuuna natin ay ‘yung kaligtasan… ‘yung mga bagay hindi normal kapg may bagyo, may signal kaya dapat lahat nakahanda,” ayon kay Cruz.
Sinabi rin niya na dapat ay laging handa ang mga bata upang mas madaling makalikas sa mga panahong may kalamidad gaya nito.
Dagdag pa niya, maaari ring magkaroon ng mga interupsiyon sa mga signal at koneksiyon ng internet kung kaya lalong mahihirapan ang mga estudyante.
“Maging ‘yung signal ng internet, ‘yung communication facilities, puwedeng maapektuhan ng papalapit na bagyo o kaya ng dumaraang bagyo,” dagdag pa niya.