KAHIT MAYROON NANG BAKUNA, F2F CLASSES MALABO NA NGAYONG ACADEMIC YEAR — SEN. GO
TINULDUKAN na ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang posibilidad ng pagkakaroon ng face-to-face classes ngayong Academic Year 2020-2021.
Ito ay sa kabila ng inaasahang rollout ng bakuna laban sa Covid19 sa huling linggo ng Pebrero.
Sinabi ni Go na bagama’t kasama sa priority list ng mga babakunahan ang mga guro, hindi pa rin maibabalik ngayong academic year ang face-to-face classes.
“Kung gusto man natin bumalik sa face-to-face ang ating eskuwela ay next school year, not this school year,” diin ni Go sa isang ambush interview.
Ipinaliwanag ni Go na ilang buwan na lamang naman ang nalalabi sa kasalukuyang academic year kaya mas makabubuting tapusin ito sa kasalukuyang sistemang ipinatutupad.
Kasabay nito, nagpahiwatig ang senador na pag-aaralan pa ng gobyerno ang sistemang ipatutupad sa susunod na academic year depende sa sitwasyon ng bansa.
Matatandaang si Go ang isa sa mga tumutol sa plano ng Department of Education na pagsasagawa ng pilot implementation ng face-to-face classes sa low-risk areas.
Ang pilot implementation ay unang itinakda ngayong buwan subalit dahil sa impormasyon ng bagong variant ng Covid19 ay hindi ito itinuloy.