Nation

KAHIRAPAN UGAT NG ONLINE SEXUAL EXPLOITATION SA KABATAAN – SENATOR

/ 2 March 2021

NANINIWALA si Senadora Risa Hontiveros na ang dahilan ng patuloy na pamamayagpag ng online sexual exploitation sa kabataan ay ang matinding kahirapan.

Sinabi ni Hontiveros na kung layon ng lahat na matigil ang online sexual exploitation ay dapat umaksiyon para resolbahin ang kahirapan sa bansa.

“Dapat malutas na rin natin ang puno at dulo ng transaksiyong ito: ang kahirapan. Walang mapipilitang magbenta ng mga anak nila kung may maaayos at disenteng mga trabaho sa bansa. Ngayong Women’s Month, munting handog natin itong panukalang batas para sa ating kababaihan, lalo na ang mga batang babae na patuloy na nagiging biktima ng karahasan at pang-aabuso,” pahayag ni Hontiveros.

Binigyang-diin ng senadora na dahil na rin sa maraming kapabayaan, naging global hotspot na ng OSEC ang Filipinas.

“Patuloy nating ipaglalaban ang ating mga bata at kabataan. Dapat malaman ng mundo na hindi dapat ikinakalakal ang kanilang kamusmusan,” diin ni Hontiveros.

Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa kanyang mga kasamahan sa Senado na talakayin at aprubahan ang Senate Bill No. 2068 o ang proposed Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law or Anti-OSAEC Law upang bigyang proteksiyon ang mga kabataan.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros na batay sa International Justice Mission, 86 porsiyento ng online sexual exploitation of children victims ay mga babae at 14 percent ay lalaki.

“Even before the rise of technological advances, our country has been a destination for sexual offenders, who would target or manipulate women and children, especially those from impoverished areas. Matagal nang nagiging biktima ang ating kababaihan at kabataan. Pinalala lang ng social media at internet,” sabi pa ni Hontiveros.

Alinsunod sa panukala, aamyendahan ang Anti-Child Pornography Act of 2009 at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

“Bawat isa sa atin ay may responsibilidad para matigil na ito. It takes an entire community to help put an end to OSAEC. Successful OSAEC-related operations by our law enforcement would not have been possible without the cooperation of community members. Kaya makilahok tayong lahat para maproteksyunan ang ating kabataan,” dagdag pa ni Hontiveros.