KAHIBANGAN NA GAWING INTERNET ALLOWANCE ANG CHALK ALLOWANCE NI TITSER — LAWMAKER
HINDI katanggap-tanggap para kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hanggang ngayon ay ang chalk allowance pa rin ang pilit na ipinagagamit ng Department of Education sa mga guro bilang kanilang teaching supplies allowance.
Ayon kay Castro, kahibangan ang ideya na sa kabila ng maliit na sahod ng mga guro ay sa sariling bulsa pa nila nagmumula ang mga pangangailangan para sa bagong sistema ng pag-aaral sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Kulang na kulang ang ibinibigay sa mga guro na teaching expenses allowance para sa mga bagong moda ng pagtuturo. Walang ibinigay na libreng gadget at internet allowance para sa mga teacher. Maaalala natin, binanggit ni Sec. Briones na ‘yung chalk allowance ang gawing internet allowance, isa itong napakalaking kahibangan. Maliit na nga ang sinasahod, sa sariling bulsa pa ng mga guro nagmumula ang mga pam-print ng modules, bond paper, ink, printer,” pahayag ni Castro sa isang press briefing.
May mga impormasyon ding natanggap ang grupo na marami sa mga guro ang hindi pa man nagbubukas ang klase ay nakaranas na ng matinding pagod dahil lagpas sa walong oras ang pagdu-duty sa isang araw matiyak lang na makapaghahanda ng modules sa mga bata.
“Dagdag pa ‘yung pagke-create ng group chat, hindi lang basta mga bata ngayon ang tinuturuan ng mga teacher ngayong ‘new normal’, dumoble na ang mga tinuturuan nila dahil kahit ang mga magulang ng mga bata ay kailangang magabayan, bukod pa ang linggo-linggong feedback session,” dagdag pa ng kongresista.
Muli ring binatikos ng kongresista ang deklarasyon ng DepEd na tagumpay ang pagbubukas ng klase sa gitna na rin ng samu’t saring mga reklamo.
“Ano ang naging batayan ng DepEd para sabihing matagumpay ang pagbubukas ng klase kung hanggang ngayon, hindi pa rin kumpleto ang mga modyul ng mga bata, hindi lahat ay nabigyan ng gadgets. May mga report rin na kalahati lang ng kabataan ang nakapasok sa kanilang online class,” giit pa ng mambabatas.
“Ang mga nanay rin ay hirap para masigurado nila na ang kanilang mga anak ay natututo sa iba’t ibang moda ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemiya. Ang masaklap pa, sa isang pamilya may ilang nag-aaral at iisa lang ang cellphone na magagamit. Tagumpay bang maituturing kung may 3 milyong kabataan na drop-outs ang hindi nakapag-enroll?” dagdag pa nito.