Nation

KAHANDAAN SA PAGBUBUKAS NG KLASE HUWAG HUSGAHAN -DEPED

/ 29 September 2020

ISANG linggo bago ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5, bumuwelta ang Department of Education sa mga kritiko na muling nanawagan na iurong ulit ang pasukan dahil hindi pa umano naipapamahagi ang lahat ng modules.

“Hindi dapat sabihin na kung hindi 100 percent na may self-learning modules ang 59 percent ng ating mga learner na nagsabi na gusto nilang humawak ng printed learning modules ay hindi na tayo matutuloy kasi maraming other options na puwedeng gamitin,” pahayag ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio sa lingguhang virtual ‘Handang Isip, Handa Bukas’ press conference.

“So, gusto naming bigyang-diin na hindi natin puwedeng husgahan ang kahandaaan just because hindi pa nakakarating si printed self-learning modules,” dagdag pa nito.

Ayon kay San Antonio, maaaring gamitin ng mga eskuwelahan ang mga sarili nilang gawa na learning resources.

“’Yung mga dinevelop nila [na mga learning resources] kasama ‘yun sa mga agreement namin kasi nga ang process ng performance review would take time while sa iba mukhang sabi nga hindi masyadong maliwanag pero sa amin sa DepEd nauunawaan ito nung nag-cut off na kami kung kailan nila hihintayin  ‘yung performance review or quality assurance ng central office,” sabi ni San Antonio.

“’Yung mga locally developed learning resources ‘yun ang gagamitin nila. Kasama sa pagsasabi namin ang kahandaan ‘yung mga identified contingencies na kasama na rin ‘yung paggamit nung ginawa nila at ‘yung mga textbooks puwede rin ‘yun basta lalagyan ng learning activity sheets at learning plans,” dagdag pa niya.

Kamakalian lang ay hinimok ng  Teachers’ Dignity Coalition ang pamunuan ng DepEd na ipatigil muna ang produksiyon ng mga modyul na gagamitin sa distance learning modality ngayong taong pampaaralan.

Ayon sa grupo, kailangang  mapag-aralang mabuti at masuri ang praktikalidad ng paggamit ng mga module  bago ituloy ang produksiyon nito.

Ayon pa sa grupo, bagaman nais na rin nilang matuloy ang pasukan sa Oktubre 5 ay hindi mawawala ang agam-agam sa mga guro at magulang dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin kumpleto ang mga module kahit yaong para sa first grading period lamang.

Marami umanong natatanggap na ulat ang TDC na ang mga module na naihahanda ay yaong para lamang sa unang dalawang linggo hanggang sa unang buwan. Ito’y sa kabila ng pahayag ng DepEd kamakailan na nasa 98 percent na ang kahandaan nila sa pamamahagi ng modules.