KABATAAN PARTYLIST SA CHED: PAGPOPONDO SA LIGTAS NA PAGBABALIK ESKUWELA SUPORTAHAN
HINILING ng Kabataan Partylist sa Commission on Higher Education, partikular sa tanggapan nito sa Cordillera Administrative Region, na supotahan ang panawagan na pondohan ng P184-bilyon ang programa para sa ligtas na pagbabalik eskuwela.
Bukod dito, nais din ng grupo na samahan ng CHED-CAR ang mga awtoridad sa pagpapanagot sa mga kriminal na kapabayaan sa mga kabataan.
Una nang nanawagan ang mga estudyante para sa academic break dahil apektado na ang kanilang mental health dulot ng mga aktibidad na ipinagagawa sa kanila sa gitna ng distance learning.
“Napabayaan ng CHED ang mandato nila na tiyakin ang karapatan sa dekalidad na edukasyon nang hinayaan nilang umabot ito sa ganitong punto sa simula pa lang,” pagbibigay-diin ng Kabataan Partylist.
Binatikos din ng partylist group ang pagbibigay prayoridad ng CHED-CAR sa paglilinis sa mga subersibong libro sa mga aklatan sa Cordillera Region.
“Liban sa pagpapabaya sa mga estudyante, aktibong hinahayaan din ng CHED-CAR na rumonda ang NTF-ELCAC sa mga kolehiyo sa rehiyon, at magsagawa ng book purging patungkol sa armadong rebelyon sa bansa,” sabi pa ng grupo.
“Baligtad sa mga sinasabi nilang nirerespeto nila ang academic freedom sa ginagawa nilang ito, tinatraydor na ng CHED-CAR ang kanilang responsibilidad na pangalagaan ang kalayaang pang-akademiko at bigyan ang mga estudyante ng lahat ng mga materyal na maaari nilang gamitin para sa pag-aaral,” dagdag pa ng partylist.