Nation

KABATAAN PARTYLIST, STUDENT ORGS SUMUGOD SA CAMP CRAME

/ 6 February 2021

ILANG minutong nagbarikada ang mga miyembro ng Kabataan Partylist, sa pamumuno ni Rep. Sarah Elago, student organizations at umano’y mga estudyante ng University of the Philippines, sa Gate 2 ng Camp Crame sa Quezon City kahapon.

Ang pagsugod ng mga grupo ay bilang pagsuporta sa iginigiit ng UP administration na bawiin ng pamahalaan, partikular ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang pagkansela sa 1989 UP-DND Accord,

Kinumpirma naman ni Philippine National Police Spokesman, BGen. Ildebrandi Usana na nagpahayag ng kanilang damdamin ang Kabataan Party-list at bukod kay Elago ay naroon din, aniya, ang ibang student organizations gaya ng League of Filipino Students at iba pang militant groups na Anakbayan at Kilusang Mayo Uno.

“(Congw.) Sarah Elago was also there, others in attendance were LFS, Anakbayan, etc,” ang viber message ni Usana sa mga miyembro ng PNP Press Corps.

Sa panig naman ng Kabataan PL, iginiit nila na hindi sumunod ang DND sa ginawang pagbasura sa kasunduan at hindi dapat manghimasok ang pulisya sa mga campus ng pamantasan.

Ang DILG at UP ay mayroon ding kasunduan na “no cops within UP campuses” na nilagdaan nina dating Interior Secretary Rafael Alunan III at dating UP President Jose Abueva noong 1992 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Magugunitang sinabi ng DILG na kanilang rerepasuhin ang nilalaman ng kasunduan at wala namang inihayag na kanila itong ibabasura.