Nation

KABATAAN BIGYAN NG OPORTUNIDAD SA ELEKSIYON — SENADOR

/ 15 August 2021

HINIMOK ni Senadora Leila de Lima ang gobyerno na bigyang oportunidad ang lahat ng kabataan na makilahok sa eleksiyon sa 2022 sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang panawagan na palawigin ang voter registration.

“Dinggin natin ang panawagan ng mga kabataan at bigyang-puwang ang kanilang pagnanais na makilahok. Buhay, pangarap at kinabukasan nila ang tunay na nakataya sa 2022 kaya marapat lang na pakinggan sila,” pahayag ni De Lima.

Binigyang-diin ni De Lima na sa kasalukuyan, ang populasyon ng mga kabataan ay tinatayang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

“Dumarami rin ang bilang ng mga kabataang aktibong nakikilahok sa diskursong pambayan. Subalit sa halip na pakinggan ay binabansagan lamang ang marami na subersibo o komunista,” dagdag ng senadora.

Pinuri rin ng mambabatas ang mga kabataan na kumikilos at nakikibaka para sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipinong biktima ng pang-aabuso at karahasan.

“Bilang paggunita sa International Youth Day at bilang suporta sa mga kabataang nagnanais wakasan ang sistemang pinagmulan ng pagtapak sa karapatan, korupsiyon, at pagbabalewala sa pangangailangan ng mamamayan, isang panawagan ang inihayag ng iba’t ibang organisasyong pang-kabataan: extend the registration period,” sabi pa niya.

Binigyang-diin ni De Lima na may katumbas na special measures ang special circumstances.

“The times demand for us to adjust and adapt to cater to the needs of the people, and to uphold their right to vote and be heard,” ayon kay De Lima.

Gayunman, aminado si De Lima na ang pagtugon sa panawagang palawigin ang registration ay nangangailangan din ng pagtiyak na maibibigay ang pangangailangan ng Comelec.

“Ibig sabihin, kailangan ngayon pa lang ay maituring na frontliners ang Comelec officials and personnel. Simulan natin sa pamamagitan ng pagtiyak na sila ay maagang mabakunahan kasama ng mga guro na makakatuwang nila sa ating halalan. Tiyakin din natin na madaragdagan ang kinakailangang tauhan,” dagdag pa ng senadora.