KAALAMAN NG MGA BATA SA KANILANG KARAPATAN PAIGTINGIN — SENADOR
HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga pampubliko at pribadong paaralan na palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kanilang mga karapatan kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.
Ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mahalagang pangalagaan at itaguyod ang karapatan ng mga bata lalo na’t naging banta sa kanilang kaligtasan ang pinsalang dulot ng Covid19.
Kabilang sa mga epekto ng pandemya ang pagtaas ng mga insidente ng karahasan at pang-aabuso sa mga kabataan.
Batay sa datos ng Philippine National Police – Women and Children Protection Desks, nasa 2,077 ang naitalang krimen laban sa kabataan simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine noong Marso hanggang Hulyo 11.
Iniulat din ng Department of Justice-Office of Cybercrime na mula Marso 1 hanggang May 24 ngayong taon, nasa 279,166 ang kaso ng online sexual exploitation of children ang kanilang naitala.
Mas mataas ito ng 264 porsyento mula sa 76,651 kasong naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Iniulat naman ng Philippine Chamber of Telecom Operators na na-block ng mga internet service provider at telecommunications operator ang 2,521 website ng OSEC.
“Ang pandemya ng Covid19 ay naging isang malaking banta sa kaligtasan ng ating mga kabataan mula sa sakit, pang-aabuso, at karahasan. Kung mas malawak ang pakikilahok at kaalaman ng mga kabataan sa pagtataguyod ng kanilang karapatan, maging mas epektibo ang ating pagsugpo sa mga pang-aabusong maaari nilang maranasan,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, ang mga Child Protection Committee ng mga paaralan ay may mahalagang papel sa pagpapaigting ng kaalaman ng mga mag-aaral pagdating sa kanilang mga karapatan.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 40 series of 2012, kasama sa mga tungkulin ng CPC ang pagsasagawa ng mga programa at aktibidad laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso, karahasan, diskriminasyon, at bullying sa mga mag-aaral.
Bahagi rin ng tungkulin ng CPC ang pag-uulat sa mga kasong ito sa angkop na mga tanggapan.
Tungkulin din ng CPC ang pakikipag-ugnayan sa mga non-government organization at mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng PNP-WCPD, at Local Social Welfare and Development Office.
Sinabi ni Gatchalian na bukod sa pag-uulat ng mga kaso, ang mga ahensiya at mga organisasyong ito ay maaaring maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapalawak ng kaalaman sa karapatan ng mga bata.
Binigyang-diin ng senador na makatutulong ang mga ugnayang ito upang patatagin ang tiwala ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang sa mga institusyon.
Idinagdag pa ng mambabatas na mahalagang manatiling bukas ang mga helpline ng mga paaralan, mga tanggapan ng pamahaalaan, at mga NGO upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.