K TO 12 PROGRAM PINASISILIP SA KAMARA
PINAGREREPORT ng mga kongresista ang Department of Education hinggil sa kanilang pagpopondo, mga tauhan, pasilidad at iba pang requirements na ginagamit sa pagpapatupad ng K to 12 program.
Ang House Resolution 1523 ay inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Party-list Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat.
Ito ay bunsod umano ng hindi kaaya-ayang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment at 2019 Trends in International Mathematics and Science Study.
Ayon sa mga kongresista, sa halip na mapabuti, napalala ng Enchanced Basic Education Act ang iba’t ibang isyu sa edukasyon, kabilang na ang kakapusan ng mga klasrum, lalo na sa senior high schools; iba pang learning facilities ‘tulad ng computer at science laboratories at libraries; water and sanitation facilities; textbooks, learning modules at iba pang instructional materials.
Batay sa resulta ng 2019 TIMSS, nangungulelat ang Filipinas sa 58 bansa sa Math at Science para sa Grade 4.
Gayundin sa 2018 PISA kung saan lumabas na pinakamababa ang antas ng Filipinas sa reading comprehension at second lowest sa Math at Science.
“The terrible results, taken after the full implementation of the Enhanced Basic Education Act, prove the failure of the K to 12 program to enhance the quality of basic education in our country. The K to 12 program worsened the existing problems in our education curriculum,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang resolusyon.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na taon-taon ay tumataas ang budget para sa edukasyon para lunasan ang mga matagal nang problema sa mga pasilidad.
Iginiit ng mga mambabatas na dapat magsagawa ng masusing pagrepaso at imbestigasyon sa K to 12 program.
Binigyang-diin pa ng mga kongresista na dapat marinig mismo sa mga stakeholder, kabilang na ang mga guro, education support personnel, mga estudyante at magulang ang kanilang karanasan sa K to 12 program.