K TO 12 CURRICULUM KINONSIDERA SA ADJUSTMENT NG RETIREMENT AGE NG MGA SUNDALO
KINUMPIRMA ni Senate Committee on National Defense and Security chairman Jinggoy Estrada na isa sa kinonsidera nila sa adjustment sa retirement age ng mga sundalo ang K to 12 curriculum.
Ipinaliwanag ni Estrada na dahil sa K to 12 curriculum, nadagdagan ng dalawang taon ang panahon ng pag-aaral ng mga nais maging sundalo.
“To be fair sa lahat, because of K to 12 na rin kasi ma-a-adjust ng dalawang taon, late na papasok sa military service,” ani Estrada.
Una nang inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill 1849 at House Bill 6517 na nagtataas sa 57-anyos ang retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi pa ni Estrada na layon ng panukala na i-maximize ang training at pagpapaaral ng gobyerno sa mga military personnel.
Ito ay dahil kapag nag-retire ang isang sundalo ng 56-anyos ay lumilipat lamang sila sa private sector lalo pa’t malalakas pa rin ang kanilang pangangatawan.