K-12 PROGRAM PINAREREPORMA SA DEPED
ISINUSULONG nina Representatives Joey Salceda at Rodante Marcoleta ang mga panukala para sa pagrereporma sa basic education system upang mas maging epektibo ang pag-aaral ng kabataan.
Inihain ni Salceda ang House Bill 6247 o ang proposed K to 12 Reform Act habang itinutulak ni Marcoleta ang House Bill 6415 o ang proposed Building Blocks to Enhanced K to 12 Program Act.
Nakasaad sa mga panukala ang pagtiyak sa mataas na kwalipikasyon ng mga guro; paglilimita ng bilang ng estudyante sa isang klase at ng oras ng klase; regular na pagrerebisa ng mga curriculum; paniniguro ng kalidad ng learning resources tulad ng mga libro at modules; pagtutulungan ng mga ahensiya na may kinalaman sa edukasyon; at pagsasaayos ng ranking at class standings ng mga estudyante.
Sa virtual hearing ng House Committee on Basic Education and Arts, tiniyak ng Department of Education ang kanilang suporta sa mga panukala.
Gayunman, ipinaalala ng DepEd na ang paglilimita ng class size sa 30 estudyante ay mangangahulugan ng karagdagang school buildings, mga kagamitan at mga guro.
Sa probisyon naman na may kinalaman sa ranking at class standings ng mga estudyante, nilinaw ng DepEd na sa ngayon ay wala na silang ipinatutupad na pagpili ng valedictorian o salutatorian at ipinaiiral na lamang ang sistema ng pagpili ng mga may with honors, with high honors at with highest honors.
May pag-aalinlangan lamang ang DepEd sa probisyon na nagsasaad na ang entry level na guro ay kinakailangang Master Teacher.
Nagkasundo naman ang komite na bumuo ng technical working group upang bumalangkas ng substitute bill para pagsamahin ang mga probisyon ng dalawang panukala.