Nation

K-12 CURRICULUM ISUNOD SA MODERNONG PANAHON

/ 7 August 2020

DAPAT tiyakin ng estado na nakatutugon sa modernong panahon ang curriculum ng Enhanced Basic Education o ang K-12 Program.

Ito ang binigyang-diin ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa paghahain ng House Bill 7100 o ang panukalang ‘Computer Science in Schools Act’.

Sa kanyang panukala, nakasaad na dapat magkaroon ng Computer Science Education sa K-12 Program.

Kabilang na rito ang computer literacy at information and communications technology bilang bahagi ng basic subjects na ituturo sa lahat ng antas simula sa Kindergarten.

“The revision must ensure that foundational computer programming skills needed for higher level education are developed in children as soon as practicable,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang panukala.

Iginiit ng kongresista na mandato ng estado na bumuo ng sistema sa edukasyon na nakasusunod sa modern technology upang matiyak na may sapat na kakayahan ang mga graduate alinsunod sa itinatakda ng panahon.

Batay pa sa panukala, dapat regular na nirerebisa at binabago ang curricula upang matiyak na maisasama ang lahat ng may kinalaman sa modern technologies, computers at iba pang kahalintulad na devices.

Sakaling maging batas, magiging bahagi ng mandato ng Department of Education na bigyan din ng kaukulang traning ang mga guro at school administrators.

Bibigyan naman ang Department of Information and Communications Technology ng limang taon upang matiyak na matatapos ang computerization sa lahat ng government-run schools na may K-12 program.