JUVENILE JUSTICE ACT SISILIPIN SA SENADO
HANDA si Senador Christopher ‘Bong’ Go na pag-aralan kung panahon nang amyendahan ang Juvenile Justice Act sa bansa.
Ito, ayon kay Go, ay upang matiyak na hindi nagagamit ang mga bata sa anumang kriminalidad.
“Silipin natin kung kailangan nating amyendahan ang batas. Alam natin nagagamit ‘yung mga bata sa sindikato dahil alam nilang hindi nakukulong,” pahayag ni Go.
Ipinaliwanag ng senador na marami na rin ang ulat na ginagamit ng sindikato ang mga 15-anyos pababa dahil alam nilang makaliligtas ang mga ito sa pananagutan.
Dahil dito, napagsasamantalahan, aniya, ang implementasyon ng batas kaya dapat mabusisi at bumalangkas ng mga hakbang upang matiyak na proteksiyon sa kabataan at sa mayorya ng Pinoy ang mananaig.
“So, pag-aralan po natin dahil pag less than 15 year old ka ‘di makukulong. Kung maaari po mapag-aralan para maiwasan na mapagsamantalahan iyong mga bata ng mga masasamang elemento, ‘yung mga kriminal,” giit ni Go.
“Puwede nating pag-aralan, ako bilang mambabatas willing to study at sasali po ako sa deliberasyon,” pagtiyak ng senador.