Nation

JESSE ROBREDO INSTITUTE PINASINAYAAN

/ 22 August 2020

INILUNSAD noong Agosto 18 ang Jesse Robredo Institute of Leadership upang magbigay ng mga kursong makatutulong sa mga pinuno at mamamayang Filipino tungo sa pinakaepektibong  pangangasiwa ng pamahalaang lokal at nasyonal, partikular sa panahon ng pandemya at mga sakuna.

Ang JRI, na isinunod sa pangalan ni yumaong Local Government Secretary Jesse Robredo, asawa ni Bise Presidente Leni Robredo, ay may layuning makapagprodyus ng ‘proactive and resilient leaders’ na handang sumuong sa anumang uri ng krisis.

Nakakontekstuwalisa ang kasalukuyang kurso sa pagtugon sa mga pangangailan ng lipunan habang nasasadlak sa hamon ng Covid19.

May pamagat na Adaptive Leadership in Times of COVID-19 Crisis, ito ay maaaring enrolan ng sinumang pinunong Filipino, publiko man o pribado, non-government organization, civic society organization, people’s organization, at iba pang may interes sa ganang aralin.

Tatlong instruktor ang nauna na ring ipinakilala na kinabibilangan nina SeaOil Foundation Executive Director  VictorioJoseph Lorenzo, AECOM Philippines Representative Atty. Arnel Paciano Casanova at National Resilience Institute Leadership and Governance Consultant  Juan AbacVillamor.

Sa paglulunsad ng JRI noong Agosto 18, araw ng kamatayan ni Robredo, sinabi ni VP Leni na pinapangarap niyang maipagpatuloy ang sinimulan ng kanyang asawa sa usapinng tapat at may paninindigang pangangasiwa sa taumbayan.