Nation

ISKUL NA MALAKI ANG POPULASYON PRAYORIDAD SA DEPLOYMENT NG PULIS

/ 31 January 2023

DAHIL sa sunod-sunod na karahasan sa mga paaralan, ipinag-utos ni Philippine National Police Chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sa mga regional commander, provincial director at chief of police na mag-deploy ng mga pulis sa bawat paaralan.

Partikular na gagawin ng mga ide-deploy na pulis ang tumulong sa mga pagsisiyasat sa mga papasok, uuwi at paligid ng paaralan.

Paliwanag ni PNP Public Information Chief, PCol Redrico Maranan, ito ay upang hindi na maulit ang nangyari sa Benito Nieto Elementary Scholl kung saan isang lalaking Grade 6 student ang nakapagpuslit ng baril ng kanyang ama at dinala sa paaralan saka aksidenteng nabaril ang sarili na kanyang ikinamatay.

Nilinaw rin ni Maranan na may bitbit na baril ang mga idedeploy na pulis upang makaresponde ang mga ito sakaling kinakailangan.

Para sa agarang pagtalima, ngayon ay tinutukoy na ng PNP ang mga paaralang malalaki ang populasyon na unang popostehan ng mga pulis.

“Mga malalaking populasyon ng estudyante ang unang dedeployan gaya dito sa Metro Manila,” ayon kay Maranan.

Samantala, nanawagan din si Maranan sa mga magulang na huwag mag-isip nang masama kung may dalang baril ang mga pulis na roronda sa paaralan dahil ito, aniya, ay bilang pagtitiyak lamang ng seguridad.

Pinayuhan din ng PNP ang mga magulang na holder ng baril na maging responsable at pag-ingatan ito upang hindi matukso ang mga anak na galawin ito.

Nanawagan din sa publiko si Maranan na iwasan ang mag-bomb threat dahil labag ito sa batas at may kaparusahang kahaharapin.