Nation

ISKEDYUL NG 2021 LICENSURE EXAMS INILABAS NG PRC

/ 12 November 2020

IPINASKIL na ng Professional Regulation Commission ang bagong iskedyul ng licensure examinations sa 2021 matapos na suspendihin ang mga pagsusulit ngayong taon dahil sa banta ng Covid19.

Lahat ng mga nakapagpatala at nakabayad na ng testing permit para sa Medical Technologists Examinations ang unang sasalang sa pagsusulit sa Enero 21-22.

Nakatakda naman ang Sanitary Engineers at Architects Licensure Examinations sa Enero 25- 27, 29-31.

Gayundin, ang makalawang ulit na naudlot na LET ng mga nais maging propesyonal na guro ay matutuloy na sa Marso 28. Pero tanging mga rehistradong magsusulit noong 2019 ang maaaring maakomoda.

Abril naman magaganap ang pagsusulit ng mga midwive, radiologic technologists, electronics engineers at technicians, electric engineers, pharmacists, at optometrists.

Ang pinakaaabangang Certified Public Accountants Board Examinations na malimit tatlong araw na isinasagawa ay nakatakda  sa Mayo 16-17, 23 at Oktubre 9-10, 16.

Panibagong ratsada na naman ng pagrerebyu ang isasagawa ng mga mag-aaral habang umaasang hindi na muli pang mauusod ang bagong iskedyul na ito ng PRC.

Wala pang ibang regulasyong ipinapaskil ang komisyon lalo pa tungkol sa mga karagdagang kahingian, mga gabay kung paano maiiwasan ang hawahan ng Covid19, pati paghahanda ng testing centers sa Metro Manila, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legaspi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga.

Silipin ang kalendaryo ng PRC rito: https://www.prc.gov.ph/2021-schedule-examination.