Nation

ISA PANG RESOLUTION PARA SA F2F CLASSES ISINUSULONG SA SENADO

/ 2 March 2021

PITO pang senador ang naghain ng resolution na nananawagan sa Department of Education na simulan na ang pilot test ng localized at limited face-to-face classes sa may 1,065 na pampublikong paaralan.

Sa Senate Resolution 668, iginiit nina Senators Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, Francis Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Sonny Angara na kailangan nang simulan ng DepEd ang pilot tests kasabay ng pagsunod sa health protocols.

Naniniwala ang mga senador na sa pamamagitan ng pilot tests ay mababalangkas ng DepEd ang tamang mga hakbangin para sa ligtas na pagbubukas ng klase depende sa sitwasyon ng Covid19 sa iba’t ibang munisipalidad.

“The pilot testing program must be a shared responsibility of the DepEd, the LGUs, the parents or guardians, and the community as a whole, to ensure that our investments in education will not be put to waste, and put the education system back on its tracks in due time, and leaving no one behind,” pahayag ng mga senador sa resolution.

Una nang inihain ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang Senate Resolution 663 na nananawagan naman sa pagsasagawa ng in-person classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19.

Sa hybrid session nitong Lunes, nagkasundo ang mga senador na pagsamahin ang dalawang resolution at bibigyang-diin na ang pagsasagawa ng pilot testing ay paghahanda para sa tuluyang pagbubukas ng mga paaralan.

Itinalaga naman ng mga senador si Gatchalian na mangasiwa sa pagsasama ng dalawang resolution bago muling isalang sa pagtalakay upang aprubahan ng Senado.