ISA PANG NATIONAL HIGH SCHOOL, IPINATATAYO SA AKLAN
IPINANUKALA ni Aklan 2nd District Rep. Teodrorico ‘Nonong’ Haresco Jr. ang pagtatayo ng isa pang national high school sa kanilang lalawigan.
Sa House Bill 6663, nais ni Haresco na magkaroon ng panibagong national high school sa munisipalidad ng Ibajay na may pinakamalaking populasyon sa ikalawang distrito ng lalawigan.
Ayon sa kongresista, pinakamalaking bahagi ng populasyon ay ang sektor ng mga estudyante kaya kailangan ang panibagong paaralan.
“The creation of a National High School especially dedicated for the 2nd District of Aklan students will address the shortage in classrooms, big student-to-classroom ratio and other gaps in the public school system,” pahayag ni Haresco sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ni Haresco na sa pamamagitan ng panibagong national high school, mabibigyan ng opsyon ang mga magulang na mai-enroll ang kanilang mga anak sa pampublikong paaralan sa halip na sa pribadong high school o sa public school na mas malayo sa kanilang lugar.
Batay sa panukala, mandato ng Department of Education na maisama sa kanilang taunang budget ang operasyon ng itatayong paaralan.
Ang DepEd din ang maglalabas ng implementing rules and regulation para sa naturang batas.