ISA PANG HIGH SCHOOL IPINATATAYO SA MARIKINA
SA LAYUNING mas marami pang kabataan ang mahikayat na magtapos ng pag-aaral, isinusulong ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang panukala para sa pagtatayo ng isa pang high school sa lungsod.
Sa kanyang House Bill 8447, ipinanukala ni Quimbo ang pagtatayo ng Lucio Tan, Jr. High School sa Barangay Fortune.
Ipinaliwanag ng kongresista na sa ngayon ay itinuturing nang most congested public schools sa 2nd district ng lungsod ang Fortune Elementary School at Fortune High School.
Sa datos, noong 2019, ang pinagsamang populasyon ng student enrollees sa naturang mga paaralan ay mahigit 5,000 o katumbas ng average class size na 80 hanggang 90 estudyante sa bawat klase.
“The establishment of a high school in Barangay Fortune seeks to lower the average student-classroom ratio, an important factor in developing a classroom environment conducive to learning. This will certainly help improve the quality of education in Marikina City, especially in the high school level,” pahayag ni Quimbo sa kanyang explanatory note.
Sa sandaling maging batas ang panukala, mandato ng kalihim ng Department of Education na isama sa kanilang programa ang operasyon ng Lucio Tan Jr. High School, kabilang na ang pagpopondo na dapat isama sa annual General Appropriations Act.