ISA PANG CAMPUS NG CENTRAL BICOL STATE U PINATATAYO
ISINUSULONG ni Camarines Sur Rep. Marissa Lourdes Andaya ang pagtatayo ng isa pang campus ng Central Bicol State University of Agriculture.
Sa kanyang House Bill 6338, nais ni Andaya na magkaroon ng extension campus ng state university sa Del Gallego, Camarines Sur.
Binigyang-diin ni Andaya na simula nang itatag ang unibersidad noong 1918, patuloy ito sa pag-develop ng highly-skilled graduates na nakatutok sa agrikultura.
“It has played an important role in nation-building by providing the youth with advanced instruction and research in agriculture and allied technological sciences,” pahayag ni Andaya sa kanyang explanatory note.
Iginiit ng kongresista na upang maipagpatuloy ng unibersidad ang misyon na mas marami pang kabataan ang mabigyan ng kasanayan sa agrikultura, kalikasan at technological development, panahon na upang palawakin ang saklaw nito.
“The establishment of an extension campus in the Municipality of Del Gallego will strengthen the University’s mandate as it gears to produce world-class agricultural manpower and become a leading institution in agriculture education, research and development not only in the Bicol region, but in the entire country as well,” dagdag pa ng mambabatas.