Nation

IRR NG ANTI-HAZING LAW BUBUSISIIN NG SENADO

/ 1 October 2020

NAIS ni Senate President Vicente Sotto III na magsagawa ng investigation in aid of legislation ang Senado kaugnay sa binalangkas na implementing rules and regulations ng Commission on Higher Education sa Anti-Hazing Act of 2018.

Sa Senate Resolution 530, iginiit ni Sotto na dapat busisiin ang IRR dahil may mga probisyon na hindi tugma sa tunay na layunin ng batas.

Sa datos, ganap na naging batas ang Anti-Hazing Act of 2018 noong Hunyo 29, 2018 subalit ang IRR ay naisapinal lamang noong Marso 6, 2020.

Binigyang-diin ni Sotto na habang binabalangkas ang IRR ay patuloy ang kanilang monitoring sa technical working group ng CHED at nagbibigay rin ng malinaw na gabay kaugnay sa mga probisyon ng batas.

“Despite all these efforts from the lawmakers, the IRR of the Anti-Hazing Act of 2018 failed to clarify and provide a clear guideline in the implementation of the law based on the law’s true intent,” pahayag ni Sotto.

“For failure to provide a clear and accurate implementing rule that truly reflects the intention of the law, it is proper to call for the review of the IRR of the Anti-Hazing Act of 2018,” dagdag pa ng senador.

Nilagdaan  ang batas isang taon matapos ang pagkamatay ng UST student na si Horacio ‘Atio’ Castillo III dahil sa hazing sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity noong Setyembre 17, 2017.